Baliwag News Service

BTFRB Pinulong Ang Mga May Special Franchise

Advertisements

BALIWAG, BULACAN. Pinulong ng Baliwag Tricyle Franchising and Regulatory Board (BTFRB) ang mga nabigyan ng Natatanging Prangkisa (Special Franchise) noong nakaraang ika-17 ng Agosto, 2017.

Dinaluhan ang pagpupulong ng mga miyembro ng BTFRB na sina Roberto E. Santos ng Baliwag Traffic Management Office (BTMO); Henry T. Cruz ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) at Catalino L. Carpio ng Baliwag TODA Federation.

Ipinaliwanag ng BTFRB ang pagbabagong dulot sa pagkakaloob ng natatanging prangkisa (special franchise) na nakasaad sa BTFRB Resolution No. 12 – 2017 (A Resolution on the Registration of Tricycles Granting Special Franchise).

Sinagot at binigyang linaw ng BTFRB, sa pangunguna ni G. Santos (BTMO), ang mga katanungan ng mga dumalo sa pulong na ito. Isa sa naging bahagi ng talakayan ay ang pagkakabit ng sticker sa traysikel. Nilinaw ni Michael O. David mula sa barangay Makinabang, kung paano ididikit ang sticker.

The BTFRB discusses with the attendees (in its Q&A portion) the various details found in the sticker for the Special Franchise. The sticker will serve as an identity of the tricycles granted with this franchise. It should be placed in the front and rear sides of the tricycle.

Ang sticker, ayon sa BTFRB, ay ididikit sa harapan at sa likod ng traysikel. Kasinlaki ito ng mga sticker na makikita sa mga namamasadang traysikel. Ang sticker ang magiging palatandaan ng pamahalaang bayan na ang isang traysikel ay naiparehistro at napagkalooban ng natatanging prangkisa (special franchise).

Kinamusta ni G. Santos (BTMO) kung ano ang pananaw ng mga dumalo ukol sa bayarin na nagkakahalagang limangdaan at limampung piso (P 550.00) at bayad sa sticker na dalawang daang piso (P 200.00). Sumang-ayon naman ang mga dumalo sa bayaring itinakda. “Ok lang na may bayad na limangdaan at limampung piso at dalawang daang piso para sa sticker, kaysa mahuli at magbayad ng paulit-ulit tuwing papasok sa bayan,” komento ni Liezl L. Santos mula sa barangay Sto. Cristo.

Nagbigay din ang BTFRB ng ilang sitwasyon at katanungan para sa mga dumalo. Ilan dito ay ang –

  1. Ang nabigyan ba ng natatanging prangkisa (special franchise) ay maaaring pumarada kahit saan sa bayan? Sa kabila ng pagkakaroon ng access sa Central Business District ng Baliwag, partikular sa Plaza Naning at palengke, hindi maaari na pumarada kahit saan lang nag nabigyan ng prangkisa.

  1. Kung ang traysikel ay napagkalooban ng prangkisa sa pamamasada, ano ang kailangan para ang traysikel ay magamit bilang service sa paaralan? Dahil ang naturang traysikel ay may prangkisa na bilang pamasada, hindi na ito maaaring mai-parehistro sa natatanging prangkisa (special franchise). Bilang namamasada, kailangang sundin ng tricycle driver o operator ang mga tamang ruta na itinakda para makapunta sa mga paaralan.

 

  1. Maaari bang huliin ng traffic enforcer ang isang traysikel na may natatanging prangkisa (special franchise) na nakitaang tumatanggap ng pera o nagsusukli sa sakay nito? Dahil ang natatanging prangkisa (special franchise) ay laan lamang sa pribadong gamit, katulad ng panghatid sa paaralan, trabaho at negosyo, hindi ito maaaring gamitin sa ibang layunin, katulad ng pamamasada. Ang sinuman na mahuhuli at mapapatunayang lumalabag rito, babawiin ng BTFRB ang prangkisa na ipinagkaloob.

 

  1. Magkakaiba ng petsa ng pagpaparehistro at pagkakaloob ng prangkisa ng bawat isa, magkakaiba rin ba ang magiging expiration o bisa nito? Itinakda ng board resolution na magkaroon ng isang petsa ng expiration para sa naipagkaloob na prangkisa. Kaya, ang lahat ng nagparehistro ngayon ay magkakaroon ng prangkisa hanggang sa ika-30 ng Hunyo, 2018. Iba-iba man ang petsa ng pagpapa-rehistro at pagkakaloob ng prangkisa, isang petsa ang magiging expiration ng lahat.

Pinaalalahanan rin ng BTFRB na ang natatanging prangkisa (special franchise) ay hindi absolute. Bilang isang pribilehiyo, maaari itong bawiin ng nagkaloob sakaling may paglabag sa mga umiiral na batas. Ilan sa mga batas at alituntunin na dapat sundin ay ang pagkakaroon ng driver’s license, ang hindi pagtatapon ng basura sa kalsada, at ang pagsasakay ng tamang bilang ng pasahero.

Gayundin naman, hinikayat ang mga dumalo na maging bahagi sa pagpapatupad ng batas trapiko sa bayan ng Baliwag. Sakaling may mga paglabag na masasaksihan ay mangyaring maipagbigay alam agad sa tamang awtoridad. END


The BTFRB finds time in listening to the concerns of its partners. With this, rules and regulations will be crafted based on the actual concerns in the present situation.

P.S.

Noong nakaraang ika-4 ng Agosto, taong kasalukuyan, nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Baliwag Tricycle Franchising and Regulatory Board (BTFRB) at ang mga Non-Baliwag TODA o mga TODA na nagba-biyahe sa labas ng bayan ng Baliwag. Inilaan rin ang ika-11 ng Agosto para pakinggan ang mga hinaing ng mananakay ukol sa mga nagta-traysikel sa bayan ng Baliwag.

Ang pagpupulong naman ng mga napagkalooban ng Natatanging Prangkisa (Special Franchise) ay ibinukas rin para sa mga nais na makadalo ukol sa topic na ito.


Related Articles:

  1. Pagpaparehistro ng Pribadong Traysikel, Pagkakansela ng Prangkisa sa mga Hindi Taga-Baliwag, at Iba pa;
  2. Ang Traysikel sa Baliwag, ang BTFRB at ang mga Pagbabagong Inilunsad;
  3. Sitting Pretty sa Baliwag;
  4. Si Sir Manny at Ang Kanyang Pagreretiro Bilang Kawani ng Pamahalaang Bayan;
  5. Pagkakaloob ng Special Franchise sa Ibang mga Traysikel;
  6. FAQ on MTOP: Ang Prangkisa at Ang Mga Umiiral na Polisiya at Alituntunin Ukol Rito;
  7. Panawagan: Pangkalahatang Pagtitipon ng Mga Pasahero ng Traysikel Mula sa Iba’t Ibang Sektor;
  8. Biyahe ng Non-Baliwag TODA: Una sa Dayalogo-Serye ng BTFRB ukol sa Paglalahad ng mga Bagong Polisiya;
  9. PANAWAGAN: Pagtitipon Ukol sa Natatanging Prangkisa (Special Franchise) sa Bayan ng Baliwag; at
  10. Sektor ng Pasahero, Pinakinggan ng BTFRB.

 

Advertisements