baliuag baliwag Baliwag News Service Batang Baliwag Bplo btfrb btmo bulacan Business friendliness and competitiveness Child-friendly municipality Hello Editor Seal of Good Local Governance serbisyong may malasakit Traffic Mgt

FAQ on MTOP: Ang Prangkisa at Ang Mga Umiiral na Polisiya at Alituntunin Ukol Rito

BALIWAG, BULACAN. Noong nakaraang ika-13 ng Hulyo, taong kasalukuyan, pinagtibay ng Baliwag Tricycle Franchising and Regulatory Board (BTFRB) ang mga patakaran at hakbangin ukol sa paggagawad ng prangkisa sa mga pampasadang traysikel.

Inilahad sa BTFRB Resolution No. 13 – 2017 (Policies and Measures on the Issuance of Motorized Tricycle Operators’ Permit) ang mga mahahalagang aspeto sa pagkuha ng prangkisa na dapat ay bigyang linaw at karampatang proseso.

(I) ANO NGA BA ANG MTOP? Ang MTOP o Motorized Tricycle Operators’ Permit ay ang prangkisa o kaukulang permiso na ipinagkakaloob sa mga nagta-traysikel para sila ay makapamasada sa mga lansangan ng isang lugar. Kaya para makapamasada ang isang traysikel sa bayan ng Baliwag, kinakailangan na sila ay kumuha ng MTOP o prangkisa sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag.

(II) ILAN ANG KABUUANG BILANG NG MTOP O PRANGKISA NA IPINAGKAKALOOB NG BAYAN NG BALIWAG? Ang kabuuang bilang ng MTOP na ipagkakaloob ay hindi hihigit sa pitong libo. Sa kasalukuyan, mayroong 6,248 na MTOP ang naipamahagi sa tatlumpung (30) Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODA) dito sa bayan ng Baliwag (Baliwag TODA). Hindi pa rito kasama ang labing siyam (19) na TODA mula sa mga karatig lugar katulad ng mga bayan ng Bustos at San Rafael, at gayundin sa lalawigan ng Pampanga.

(III) SINO ANG MGA MAAARING KUMUHA NG MTOP O PRANGKISA? Ayon sa bagong resolusyon na pinagtibay ng BTFRB, ang franchisee o ang tao na ginagawaran ng prangkisa ay dapat na nagtataglay ng mga sumusunod para makakuha ng MTOP o prangkisa:

          (1) Siya ay mamamayang Filipino;

          (2) Residente ng bayan ng Baliwag; at

          (3) May kaukulang lisensiya sa pagmamaneho.

(IV) ANONG DOKUMENTO ANG KAILANGANG IPAKITA PARA MAPATUNAYAN ANG PAGIGING MAMAMAYANG FILIPINO AT PAGIGING RESIDENTE NG BAYAN NG BALIWAG? Bilang patunay sa una at ikalawang kwalipikasyon, kailangan na ipakita ng franchisee ang kanyang Voter’s ID Card mula sa COMELEC AT resibo (proof of billing) kung saan nakasaad ang pangalan ng aplikante.

(V) ANO ANG EPEKTO NG  PAGKAKAROON NG IKATLONG KWALIPIKASYON NG ISANG FRANCHISEE? Sa pamamagitan rin ng pagkakaroon ng ikatlong kwalipikasyon, hindi na gagawaran ng prangkisa ang mga hindi mismo ang magmamaneho ng traysikel. Sa diwang ito ang mga operator na hindi magmamaneho o walang kaukulang lisensiya sa pagmamaneho ay hindi magagawaran ng prangkisa.

(VI) ANO ANG MGA DOKUMENTO NA KAILANGAN SA APLIKASYON NG PRANGKISA? Bilang karagdagan sa Voter’s ID Card, proof of billing at lisensiya, kailangan ang mga sumusunod na papeles para sa aplikasyon:

          (1) Resibo at rehistro (Official Receipt at Certificate of Registration) ng motorsiklo na gagamiting pamasada.

(Note: Kung brand new ang motorsiklo kailangan rin magpresinta ng sales invoice at certificate of sales mula sa pinagbilhan ng unit. Gayundin naman, kung ito ay second hand, kailangan namang ipresinta ang Deed of Sale bilang patunay sa pag-aari ng aplikante);

          (2) Barangay Clearance;

          (3) Medical Certificate kalakip ang Drug Test at X-Ray Test results;

          (4) Police Clearance;

          (5) Sipi ng Compulsory Motor Vehicle Liability Insurance ng traysikel;

          (6) Notaryadong  sinumpaang salaysay na nagpapahayag na mayroong espasyo para sa parking ng traysikel ang aplikante; at

          (7) Roadworthiness Test (Inspection) Report.

(VII) HANGGANG KAILAN VALID ANG PRANGKISA NG BALIWAG TODA? Ang prangkisa ng Baliwag TODA ay may bisa ng tatlong (3) taon mula sa taon na pagkakaloob ng prangkisa. Para sa mas maayos na pagmo-monitor, itinakda ng BTFRB na mawawalang bisa ang prangkisa sa pagsapit ng ika-30 ng Hunyo ng huling taon ng bisa nito.

(VIII) MAAARI BANG IPASA ANG PRANGKISA SA IBA? Hindi. Ang pribilehiyo na ipinagkakaloob ng pamahalaang bayan ay limitado sa pagkakaroon ng kaukulang permiso sa pamamasada gamit ang traysikel. Hindi kasama sa ipinagkaloob na pribilehiyo ang kapangyarihan na isalin ito sa iba. Tanging ang pamahalaang bayan, sa pamamagitan ng BTFRB lamang ang magtatakda kung sino ang pagkakalooban ng prangkisa, hindi ang ang franchisee.

(IX) ANO ANG AMENDMENT NG PRANGKISA? Ito ang pagsususog na isinasakatuparan sa prangkisa na nauna ng ipinagkaloob sa franchisee. Para magkaroon ng amendment, kinakailangan na nagkaroon muna ng prangkisa ang aplikante para rito.

(X) SA ANONG PAGKAKATAON AANGKOP ANG AMENDMENT NG PRANGKISA? Ang amendment ng prangkisa ay angkop sa mga sitwasyon na magpapalit ng motorsiklo ng traysikel ang franchisee, o kaya naman ay sidecar ang papalitan. Ito ay amendment lamang sapagkat mayroon ng prangkisang umiiral, papalitan lamang ang ilang detalye na nakasaad sa naunang aplikasyon katulad ng pagpapalit ng motorsiklo O sidecar, na nauna ng masuri ng BPLO.

(XI) SAKALING AAMIYENDAHAN  O MAGKAKAROON NG PAGBABAGO ANG PRANGKISA, ANO ANG DAPAT GAWIN NG FRANCHISEE? Sakaling naisin ng franchisee na susugan ang kanyang prangkisa, katulad ng pagpapalit ng motorsiklo O sidecar, maaari siyang mag-apply nito sa BTFRB sa pamamagitan ng BPLO.

(XII) ANO ANG MGA DOKUMENTO NA KAILANGAN SA AMENDMENT NG PRANGKISA? Sa pag-aapply sa BTFRB sa pamamagitan ng BPLO, kailangan lang ang mga sumusunod na dokumento:

          (1) Liham kahilingan sa BTFRB sa gagawing pagsususog sa prangkisa –  maaaring pagpapalit ng motosiklo O sidecar. (Sa kaso ng pagpapalit ng motorsiklo, kailangan na ilakip ang resibo at rehistro ng motorsiklo na gagamiting pamasada);

          (2) Notaryadong  sinumpaang salaysay na nagpapahayag ng dahilan sa pagpapalit ng motorsiklo O sidecar; at

          (3) Sipi ng Compulsory Motor Vehicle Liability Insurance ng traysikel, kung maaari.

(XIII) SAKALING MAIPASA ANG MGA DOKUMENTONG KAILANGAN, AUTOMATIC BA NA NA-AMIYENDAHAN NA ANG PRANGKISA? Hindi. Dadaan pa sa maigting na proseso ang  aplikasyon. Muling susuriin ang traysikel sa pamamagitan ng Roadworthiness Test (Inspection). Matapos makapasa sa naturang pagsusuri ay ilalatag na ito sa BTFRB para aprubahan. Sa pag-abruba ng BTFRB nakasalalay ang amendment ng prangkisa.

(XIV) SAKALING IBEBENTA ANG TRAYSIKEL NA NAPAGKALOOBAN NG PRANGKISA, KASAMA BANG NAIBENTA ANG PRANGKISA? Hindi. Ang prangkisa ay ipinagkakaloob sa franchisee dahil sa pagtataglay niya ng mga kinakailangang kwalipikasyon, at pagpasa ng kanyang traysikel sa pagsusuri base sa mga itinakdang criteria para rito. Ang traysikel lamang ang naibebenta hindi ang prangkisa. Ang pagkakaloob ng prangkisa ay laan lamang sa tamang otoridad. Sakaling ibenta ang traysikel na may prangkisa, awtomatikong mapapawalang bisa ang prangkisa na nauna ng nai-isyu rito.

(XV) ANO NAMAN ANG GAMPANIN NG MGA PANGULO NG MGA TODA SAKALING MAY NAPAG-ALAMANANG PAGBEBENTA NG TRAYSIKEL NA NAPAGKALOOBAN NG PRANGKISA? Sa bisa ng huling resolusyon ng BTFRB, naatasan ang mga pangulo ng mga TODA na ipagbigay alam agad sa BTFRB sa pamamagitan ng pangulo ng TODA Federation ang anumang inpormasyon na may kinalaman sa pagbebenta ng traysikel na napagkalooban ng prangkisa.

(XVI) HINDI ALAM NG NAKABILI NA HINDI PALA NAIPAPASA ANG PRANGKISA SA KANYA, ANO ANG KANYANG MAAARING REMEDYO? Dahil nga hindi naipapasa ang prangkisa, ang bagong may-ari ng traysikel ay maaaring mag-apply ng prangkisa sa kanyang pangalan.

(XVII) SAKALING YUMAO ANG FRANCHISEE, ANO NA ANG MANGYAYARI SA PRANGKISANG NAIPAGKALOOB SA KANYA? Sakaling yumao ang franchisee, awtomatikong mawawala ang bisa ng prangkisa.

(XVIII) ANO NAMAN ANG MAAARING GAWIN NG MGA NAIWAN (HEIRS) NG YUMAONG FRANCHISEE PARA MAKAKUHA NG PRANGKISA? Ang nabakanteng prangkisa ay maaaring apply-an ng naiwan ng yumaong franchisee. Maaari siyang dumulog sa BTFRB sa pamamagitan ng pangulo ng TODA Federation, at ipahayag ang layunin na maging aplikante sa nabakanteng prangkisa.

(XIX) SAKALING ANG PLAKA NG MOTORSKILO AY PANG-PRIBADO, MAAARI PA RIN BA ITONG MAKAKUHA NG PRANGKISA? Sakaling ang plaka na ipinagkaloob ng LTO ay pang-pribado, maaari pa ring makakuha ng prangkisa. Kinakailangan lamang na magpasa ng notaryadong sinumpaang salaysay na nagsasaad na iko-convert ang naturang gamit ng motorsiklo bilang pamasada sa loob ng isang (1) taon. Matapos ang palugit na ito at hindi naisasaayos ang naturang pagpapalit, awtomatikong mapapawalang bisa ang prangkisa na naipagkaloob.

PANGWAKAS: Sa diwa ng paghahandog ng serbisyong may malasakit, sakaling may mga katanungan o paglilinaw na nais ukol sa naturang suheto, maaaring makipag-ugnayan sa  Business Permit and Licensing Office (BPLO) at Baliwag Traffic Management Office (BTMO). Ang mga naturang tanggapan ang tumatayong Secretariat ng BTFRB.

BASIS: BTFRB Resolution No. 13 – 2017 (Policies and Measures on the Issuance of Motorized Tricycle Operators’ Permit). END

Advertisements

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.