Malayo layo na din ang aking narating, ilang bayan at probinsya na rin ang aking tinahak at sa bawat araw patuloy na nagbabago ang landas na aking dinaraanan ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay isang pangalan lamang ang palagi kong tangan. Sino pa kaya ang nakaka-alala ng aking kwento? Kasi naman, bagama’t ako’y isang lingkod publiko ay alam kong bibihira lamang ang nakakaalam sa tunay kong pagkatao. Ano nga ba sabi nila dun sa Ingles? Ah oo, “They Just Know My Name, NOT My Story” naalala ko din. Lalo na sa mga millenial millenial na yan ngayon, ipupusta ko ang isang araw na kita ko, madalang ang nakakaalam sa istoryang naiguhit ko sa bawat kalsada maging magpa-hanggang sa EDSA.
Nagka-ideya ka na ba kung sino si AKO? Oo, AKO yung naghatid sa iyong lola nung dekada 70 patungo sa divisoria kung saan nya nakilala yung Lolo mo, oo ako din yung nag-ugnay sa Tyahin nung kapitbahay mong hinangad makapangibang bayan, bitbit nga lang nya noon ay yung bayong at abanikong maleta. Tama, ako din yung naging tulay para marating ng guro mo nung elementarya ang unang hakbang nya sa syudad na kung tawagin ay Maynila, sabagay ako din naman kasi yung naghatid sa Tiyo mong galing NAIA ng sumakay sya sa bandang Pasay. Sa pagkakaalala ko nga, ako din ang naging daan para makarating ang iyong Tatay sa ating bayan upang makipag eyeball sa nanay mo na nakilala nya sa text at beeper. Nahiya pa nga ang langgam sa ka-sweetan nila nun sa terminal eh, akala mo ba ay natagpuan na nila ang forever. Hay!! Ang dami ko na din palang naging parte sa buhay ng mga tao, at ou tama ka ako nga ito, ako nga!
Yung iyong sinasakyan at sinasabihan ng “Trinoma po, estudyante”. Alam mo bang natatawa nalang ako kapag lingong lingo e sinasabi mo sa konduktor ko ang linyang ito? Makikipagdate ka lang eh ginagamit mo pa ang ID mo, ang masama, expired na yung ID mo dahil last sem ka pang di nagenrol ineng.
Ou tama ka nga, ako ito, yung bus, yung may tatak na sumbrero, tatak buntal, tatak Baliwag! Nagsimula akong pumsada sa industriya kundi ako nagkakamali ay noong dekada 60. Karag karag pa ko noon at iilan pa lamang din kami noon ng aking mga kapatid. Si Doña Victoria Tengco ang itinuturing kong aming Ina. Sya kasi yung nangahas na sumugal sa industriya ng pampasaherong sasakyan upang ang ating mga kapwa Baliwagenyo ay maihatid sa mga lugar sa kamaynilaan at iba pa nating karatig probinsya. Naalala ko pa nga na roughroad pa noon ang EDSA at di pa gaanong uso ang NLEX o SCTEX.
Madaming pasahero na rin ang aking naisakay, andyaan si Ateng apura ang pagbiling sa upuan na akala mo ba ay may naupuang isang laksang langgam, andyaan din naman si Lola na nakasampong ulit na yatang nadasalan ang kanyang rosaryo eh napaka malumanay namang magpatakbo ng driver ko. Naku, naalala ko din si Bunso na apura ang lawit ng kamay sa bintana ng minsang masakay sa aking ordinaryong modelo, ay naku naalala ko pang halos mapamura ang kanyang Itay sa pananaway sa kanyang delikadong gawa. Andun din naman karaniwan sa bandang likuran ang magjowa na palaging sa akin ay sumasakay at ginagawang Luneta ang upuan ng aking sasakyan. At ayon sa bandang gitna, andun yung estudyanteng planong magsalamin ng maaga sa pagpilit na mabasa ang libro na kanyang hawak.
Si tatay na kasalukuyang binibilang ang kanyang sweldo ay hayun at nasa bandang bintana katabi si kuyang daig pa ang call center sa kakatelebabad. Ang dami dami nila, di pa dyan kasama ang mga vendors na panik at panaog sa akin na sinasamantala ang traffic. Ang dami nila, araw araw iba, iba’t ibang tao, iba iba rin ang kwento at isang bagay ang ikinakasaya ko, sa bawat kwento na ito ay nakasahog ako. Nahabi ng may kaunting hibla ko kumbaga.
Ngunit sa kabila ng lahat ng pagbabago at dami ng mga rutang tinahak ko, isang pangalan lamang ang aking tinataglay, ang pangalan kung saan ako sinilang, sa bayan kung saan unang ginanap ang halalang sibil sa Asya, sa bayang tanyag ang serkele, pastillas at Lechon Manok, sa bayang sinilangan ni Ponce, sa bayang tinatawag na Baliwag.
Baliwag Transit man o yung pinsan kong si Golden Bee kapwa kami Baliwagenyo. Sa bawat araw ay ibinabalandra namin sa katrafican sa EDSA ang pangalang aming pinagmulan. Sa bawat araw ay nakikipagsabayan kami sa iba’t ibang ngalan ng pampublikong sasakyan sa kalsada maging sa NLEX o SCTEX man. At sa bawat araw na lumipas isa lamang ang aming hangad -ang maihatid kayo ng ligtas.
Sa bawat panahon at oras na sa akin ay dumaan, ako bilang lingkod publiko ay isa lang palagi ang paninindigan. Magbago man ang kulay at anyo ko, magbago man ang modelo ng kaha o gulong ko, patuloy ko pa ring ititimo sa aking isipan na ako ay isang produktong Baliwagenyo. Ang kalidad ng aking serbisyo ay suamsalamin sa kalidad ng isang Baliwagenyo -maagap, mahusay, at may pagmamahal. Ang sumbrero na akin ng naging tatak sa loob ng halos ilan ng dekada ay salamin ng isang Baliwagenyong sinubok nang napakaraming pagsubok ngunit sa huli ay buong dangal pa ding tumitindig at iwinawagayway ang sagisag ng ating pagka Dugong Baliwag, Pusong Baliwag.
Ngayon, bukas at maging saan man ako dalhin ng panahon at maging sa anong kwentong buhay pa man ang mahabi ko sa loob man o sa loob ng aming terminal o maging sa bawat kalsadang aking gugulunga, patuloy at patuloy kong dadalhin ang pangalan ng Bayan ko, sapagkat ako, Si BALIWAG TRANSIT ay isang tunay na DUGONG BALIWAG, PUSONG BALIWAG at naghahatid ng SERBISYONG MAY MALASAKIT. Ito ang kwentong byahe ng buhay ko.