Baliwag Chamber of Commerce Baliwag News Service Bplo Business friendliness and competitiveness go negosyo investment promotions

Pagbubukas ng Negosyo Center sa Baliwag, Hudyat ng Dagdag Kaunlaran sa Pamumuhunan, Kalakal at Komersyo

Pormal nang binuksan ang Negosyo Center sa  Baliwag nitong Miyerkules, ika-28 ng Hunyo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Trade and Industry (DTI)  at Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ferdie Estrella. Ang nasabing aktibidad ay sinimulan sa isang  pagbabasbas sa naturang establisiyemento sa pangunguna ni  Fr. Bacani at sinundan ito ng ribbon cutting at unveiling ceremony.  Isang maiksing programa ang idinaos para dito na inumpisahan sa pagbibigay ng paunang pagbati at pagkilala sa mga panauhin ni Provincial Director Zorina Aldana ng DTI-Bulacan. Nagbigay naman ng isang mensahe si Regional Director Judith Angeles ng DTI Region 3 tungkol sa pangkalahatang ideya kung ano ang Negosyo Center at kung anu-ano ang mga serbisyong  maaaring maitulong nito sa bayan at mga namumuhunan. Kabilang din sa mga naanyayahang magbigay ng mensahe ay sina Chamber of Commerce and Industries of Baliwag, Inc. President Bienvenido Gonzales, Bulacan Chamber of Commerce at SMED Council President Gregoria Simbulan at Cong. Gavini “Apol” Pancho ng ikalawang Distrito.  Bilang panghuling pananalita, ipinabatid ni Mayor Ferdie na isinulong niya ang pagbubukas ng nasabing Negosyo Center dahil naniniwala siya na ito ay magtataguyod sa pag-unlad ng mga maliliit na negosyante sa bayang kanyang pinamumunuan. “Ang mga Micro, Small at Medium Enterprises ang bumubuhay at bumubuo sa malaking porsiyento ng pinagkukuhanan ng kita ng pamahalaang bayan na siya namang bumabalik sa mga mamamayan bilang serbisyong pampubliko ,” dagdag pa ng batang Alkalde. Isa ring parte ng programa ang MOA signing sa pagitan ng Pamahalaang Bayan at DTI na nilagdaan nila Mayor Ferdie at PD Aldana kasama sila Pambayang Tagapangasiwa Enrique Tagle at RD Angeles bilang mga  saksi. Dumalo din sa nasabing okasyon sila Kon. Dingdong Nicolas, Kon. Joel Pascual, Mayora Jonnah Nubla-Estrella, mga miyembro ng CCIBI, mga kinatawan ng mga Kooperatiba, mga pinuno ng iba’t ibang sangay at opisina ng Pamahalaang Bayan, mga Kapitan, mga kinatawan ng mga pampublikong ahensiya ng pamahalaan at ilan pang mga imbitadong panauhin. Dalawang negosyo ang nagparehistro sa araw ding iyon kabilang ang negosyo nila G. at Gng. Aning Arcega.  Mga ilang minuto lamang ang at naparehistro na nila ang pangalan ng kanilang negosyo na siya namang nagpapatunay sa mabilis at magaang pagpapatala sa DTI. Ang kabubukas na Negosyo Center ay matatagpuan sa Farmers Trading Center, DRT Highway, Brgy. Pagala.  Ito ay ang ikawalong binuksan ng DTI sa lalawigan ng Bulacan at kasama sa mahigit limangdaan sa buong Pilipinas. Ito rin ay magsisilbing opisina ng CCIBI upang makapagsagawa ng kanilang recruitment ng mga bagong miyembro, mga pagpupulong at iba pang transaksiyon.
Advertisements