Baliwag News Service

Pagsasagawa ng Profiling sa mga pamilyang may Malnourished na anak na edad 0-71 buwan, sinimulan na!

Noong nakaraang ika-21 ng Abril, 2017 ay sinimulan ng mga kawani ng Municipal Nutrition Office, kasama ang mga Lingkod Lingap sa Nayon at ilang mga mother leaders, ang pagsasagawa ng profiling sa mga pamilya na mayroong anak na malnourished sa barangay Piel. Isinagawa ang profiling na ito makalipas na maisumite ang mga naging resulta ng Operation Timbang sa mga barangay mula Enero hanggang Marso.

Layunin ng profiling na masuri ang mga aktwal at posibleng sanhi ng malnutrisyon base sa estado ng kabahayan at kapaligiran, mga pinagkukunan ng pagkain, pinagkukunan ng tubig na pang-inom, uri ng palikurang gamit at iba pang mga posibleng rason na maaring makita sa pamilya. Mas pinadali pa ang pagsasagawa ng profiling dahil sa paggamit ng isang android-based system, ang NARS Tool, na siyang nagsasa-ayos ng mga nakalap na datos at larawang nakuha.

 Nakatapos na ang profiling sa barangays Piel, Tibag at Subic at ipagpapatuloy pa sa ibang barangay hanggang sa mga susunod na buwan. Makatutulong ang mga makakalap na datos upang mas higit na maging wasto ang pagtugon sa mga suliraning nagdudulot ng malnutrisyon sa mga bata bago pa man din sila tumungtong ng 5 taong gulang.

Mula sa hakbang na ito ay magsasagawa ng nararapat na plano ang ating Baliwag Nutrition Committee, na siyang bubuo sa Baliwag Nutrition Action Plan sa taong 2017, sa pangunguna ng ating Punongbayan, Mayor Ferdie Estrella, kasama ang iba pang ahensya mula sa kalusugan at nutrisyon, edukasyon, agrikultura, kapaligiran, kabuhayan, mga pinuno at mga workers ng bawat barangay at iba pang mga non-government organizations sa ating bayan.

Advertisements